Sunday, November 3, 2013

Ang Bayan Kong Pilipinas

     Maraming bansa ang pumunta sa Pilipinas para lupigin tayo tulad ng Espanya at Amerika. Tatlong daang taong nagtagal dito ang mga Kastilla at apatnapu't walong taon naman nagtagal ang mga Amerikano. Madaming mga ugali at gamit ang namana natin sa mga Kastila. Siesta, katiwalian, at pagkain ang mga ilang halimbawa. Ang pinakamalaking namana natin sa mga Amerikano ay ang paggamit ng Ingles sa pakikipag-usap at pagsulat imbis na Pilipino. Nahihirapan nga akong makipag-usap sa Pilipino minsan.

     Noong nandito ang mga taga-Espanya at Amerika, maraming rebolusyon ang naganap. Marami doon ay hindi nagtagumpay. Bakit?   Hindi nagkaisa ang mga Pilipino. Bawat grupo ay may iba't-ibang paniniwala. Hindi nila sinusubukan intindihin ang paniniwala ng ibang grupo. Marahil hindi sila nagkakaintindihan dahil sa dyalekto ng mga grupo sa ibang mga lugar.

     Kapag pumunta ka sa Bohol ngayon, iba yung dyalekto nila. Kapag pumunta ka sa Cebu, iba rin ang dyalekto nila. Hindi tayo natuto mag-usap sa isang dyalekto lang dahil sa ating nakaraan at pulu-pulong anyo ng Pilipinas. Mahirap din dahil noong pumunta ako sa Bohol at Cebu, wala akong naintidihan sa mga sinasabi ng lokal. Dito sa aming bahay, ang mga kasambahay namin ay taga-Romblon. Sila ay may sariling dyalekto na hindi ko talaga naiintindihan kahit tinuturuan nila ako.

     May tanong ako ngayon. Kung nag-uusap pa rin tayo sa ating mga iba't ibang dyalekto,  ang ibig sabihin ba nito ay hindi pa rin tayo nagkakaisa?  Sa palagay ko, mas nagkakaisa na tayo ngayon nguni't kulang pa rin. Mayroon na tayong isang presidente na sa tingin ko ay magaling. Karamihan ng mga Pilipino ay sinusuportahan siya. Ang problema lang ay minsan, may mga taong nag-proprotesta laban sa kanya. Ang sinasabi nila ay hindi pa sapat ang ginagawa ng presidente. Sa tingin ko, karamihan ng mga Pilipino ay umaasa sa kanya para gawin lahat. Hindi naman nila ginagawa ang kanilang bahagi upang makatulong sa pag-unlad ng bansa. Halimbawa, hindi nila sinusunod ang mga batas-trapiko. Kahit na ang mga karatulang "Huwag magtapon ng basura dito" o "Huwag umihi dito" ay hindi pinapansin. Ang mga senador at mga nakaupo sa gobyerno ay "corrupt" at kanilang mga sarili lamang ang kanilang iniisip at inuuna. Hindi sila nag-iisip ng mga wastong paraan kung paano gagamitin ang pera para sa mga mahihirap at paano unahin ang kapakanan ng bayan.

     Sana'y magbago na ang kalagayan ng Pilipinas.  Sana'y magbago na tayong mga Pilipino.  Ito ang aking panalangin para sa bansa at sana'y magkatotoo na.

No comments:

Post a Comment